Marcoleta gustong ipatigil ang MC Taxi Pilot Study
Tila gustong ipatigil ni SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta ang Motorcycle Taxi Pilot Study na isinasagawa ng Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr).
Sa hearing ng House Committee on Transportation, kinuwestiyon ni Marcoleta kung bakit nagpapatuloy pa rin ang nasabing MC Taxi Pilot Study gayong base sa isang report ay dapat nagtapos na ito noong 2021. Mainit ding tinanong ni Marcoleta ang mga kinatawan ng TWG kung bakit tatlong players lamang ang natanggap sa nasabing pilot study gayong may pito raw na nag-apply, “So anong gagawin niyo, Mr. Chairman of the TWG, para hindi naman kayo mapag suspetsahan na mayroon kayong kinikilingan? Ang direksyon, hindi niyo pa nga alam kung hihinto kayo. Kung gusto niyo, pahintuin na muna natin ngayon. Effective today para lang sabihin natin na parehas na lang ang labanan. Pwede ba?”, tanong ni Marcoleta.
Paliwanag ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz, na siyang ring Chairman ng DOTr-TWG, tatlo lang ang nakapasa sa vetting process ng gobyerno kaya sila lamang ang nabigyan ng special provision to operate. Dagdag pa ni Guadiz, may ilang requirements din sila sa mga players tulad ng pagkakaroon ng sariling training facility, insurance para sa rider at pasahero, at pagpasa sa mga exam.
Kwento ni Marcoleta, may kakilala raw siya na nag-apply sa MC Taxi Pilot Study pero hindi man lang nakatanggap ng sagot mula sa TWG. Siya pa raw mismo ang nag-review ng documents at requirements at nakita niyang pasado at kumpleto naman lahat. Kaya naman pinapa-justify ng nasabing Congressman sa TWG kung talaga bang may maayos itong vetting process at ipinapag paliwanag nito kung paano lumaki ang rider allocation ng nasabing pilot study ng hindi inaabisuhan ang Kongreso, “Saan ba papunta ito? Aren’t we supposed to have already taken all the things that we wanted para po bigay niyo na sa amin so that this report can be an essential input for the House of Representatives to start crafting RA 4136 on whether or not we should include these riders and consider them as public utility vehicles,” ani Marcoleta.
Sa kabilang banda, umapela si LTO Chief at TWG Vice Chair Atty. Vigor Mendoza sa Kongreso na huwag munang itigil ang nasabing Motorcycle Taxi Pilot Study.
“As Vice Chair of the TWG, I do not want it terminated. Meron pa pong gaps that we have to address such as multi-homing and the liabilities. There should also be a transition period to ensure proper implementation of the study”, sabi ni Mendoza.
Sa kasalukuyan, 45,000 riders ang kasali sa MC Taxi Pilot Study. Ito ang mga maaapektuhan at mawawalan ng hanap buhay kung sakaling ipatigil ang pag-aaral.
Mula sa hearing, nakatakdang magpresenta ang TWG ng kanilang rekomendasyon pagdating sa extension ng MC Taxi Pilot Study, multi-homing, rider cap allocation, entry of new players, liabilities, at iba pang issue ng motorcycle taxis. Inaasahan ng Kongreso na maisusumite ito ng TWG sa loob ng 45 na araw.