Pahayag ni Cong. Mujiv Hataman sa pagpatay kay Tingan Pioquinto Mancenido
Mariin nating kinokondena ang walang saysay na pagpaslang kay Tingan Pioquinto Mancenido, isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Isabela City. Isa itong krimeng walang lugar sa isang lipunang umiiral ang batas at kapayapaan, at isang malaking kawalan para sa mga pamilyang umaasa sa kaayusan at seguridad sa kanilang komunidad.
Isa itong dagok sa ating mga institusyong pampamahalaan at sa kapayapaan na ating matagal nang pinangangalagaan sa Basilan. Karapatan ng bawat mamamayan – hindi lamang ng mga taga-Isabela City kundi ng buong Basilan at buong bansa – na mamuhay nang payapa, ligtas at walang pangambang ng dahas.
Ang pagpaslang kay TIngan ay lalo pang nakakabahala dahil ito na ang ikalawang kaso ng pagpatay sa empleyado ng city hall ngayong taon, kasunod ng pagpaslang kay Rix La Guardia. Dapat tingnan ito bilang seryosong banta sa seguridad ng ating mga lingkod-bayan at ng ating mamamayan sa kabuuan.
Hinihimok ko ang ating mga awtoridad – ang kapulisan, ang NBI at iba pang ahensya ng pamahalaan – na agarang imbestigahan ang kaso at tiyaking mapapanagot ang mga nasa likod ng krimeng ito. Dapat iparamdam ng ating pamahalaan na may hustisya at hindi natin kinukunsinti ang ganitong klaseng karahasan.
Nakikiramay tayo sa mga naulila ni Tingan. Hindi natin maibabalik ang kanyang buhay pero may tungkulin tayong tiyakin na hindi ito mauulit. Hustisya para kay Tingan! Hustisya para kay Rix La Guardia! Hustisya para sa lahat ng biktima ng walang saysay na karahasan!